In na in ka kung
alam mo ang lahat ng pasikot-sikot at pagbubuting-ting ng mga makabagong
teknolohiya ngayon tulad ng mga Tablet PC, Mac at iPhone. Maganda ka kung
mayroon ka ng mga bagongong estilo ng damit gaya ng Penshoppe, Top Shop at
Forever 21. Pogi ka kung ang porma mo’y tulad nina Enchong Dee, Daniel Padilla
at Enrique Gil. In short, iyan ang mga bagets natin ngayon, ang kabataan ng
panahong 2012.
Naisip mo ba na iba na ang naiisip
nating itsura ng mga bagets kaysa noong unang beses itong gamitin? Kung
tutuusin nga’y hindi naman nalalayo ang kahulugan nito sa ating henerasyon
ngayon. Ang kahulugan ng bagets mula noon hanggang ngayon ay kabataan. Ang
terminong ito ay nagmula pa noong dekada ’80 nang ipalabas ang
youth-oriented film
na “Bagets”. Pinagbidahan ito nina William Martinez, Herbert Bautista, Aga
Muhlach, Eula Valdez, Yayo Aguila at marami pang iba. Tungkol ito sa buhay ng
magbabarkada bilang paghahanda nila sa buhay kolehiyo. Ipinakita sa palabas na
ito ang mga pinagdadaanang suliranin at pagsubok ng mga kabataan noong dekada
’80. Ang pelikulang Bagets ay nasundan pa ng dalawang pelikulang karugtong
nito, ang Bagets 2 at Bagets 3: The Reunion. Marami nang nagtangkang sundan ang
konsepto ng palabas na ito ngunit kakaunti lamang ang nakapagreprisenta ng partikular
na henerasyon.
Isang baong pelikula ngayong 2012 sa
ilalim ng Star Cinema, ang The Reunion, at tila nagsimula na naman ang
pagkukumpara nito sa pelikulang Bagets. Sa isang interview na isinagawa ni Ed
Uy, isang sa The Manila Times.net sinabi ng direktor ng The Reunion na si
Frasco Mortiz:
“Wala
akong guni-guni na maging Bagets ang The Reunion. During its time, Bagets was
very influential sa teenage culture. Maraming nauso, hindi lang sa pananamit ng
tao because of the movie. Ngayon kasi iba na ang kultura natin, di mo na
kailangan manood ng pelikula para lang malaman kung ano ang usong damit; now we
have the Internet for that. So ibang iba na yung time and culture natin today.”
Naging malaki ang
kontribusyon ng pagsikat at pagtangkilik ng pelikulang Bagets sa pagkakaroon ng
kahulugan ng salitang “bagets” na hanggang ngayo’y ginagamit natin.
Ang bagets ay nagmula sa mga
salitang “bago” at “get-up”. Pinagsama ang dalawang salitang ito upang makabuo
ng panibagong salita. Kaya kung ating babalikan, karaniwang na itong iniuugnay
sa fashion o pormang tinatangkilik ng mga tao sa isang partikular na panahon. Ang
“pormang bagets” noon ay ibang-iba sa depinisyon natin ngayon. Kung dati ay
T-shirt na may padding, pencil skirt na 6 inches above the ankle, nakatiklop na
mangas ng damit at mga naka-spraynet at gel ang mga buhok, ngayon naman ay mga
naka-high heels, dress na above the knee at kung anu-ano pang mga aksesorya sa
kataawan. Malamang sa malamang ay masabihan kang “baduy” o “laos na” kung
magsusuot ka pa ng damit ng mga bagets noon.
Kung ikaw naman ay natawag na
“feeling bagets”, siguro’y ikaw ay may katandaan na o hindi na pasok
kategoryang kabataan. Ang pariralang ito ay ginagamit sa paglalarawan ng mga
matatanda na pumopormang parang teenager o ‘di naman kaya’y gumagawa ng mga
gawain at libangan na nakakategoryang pangkabataan.
Karaniwang ginagamit o makikita ang
salitang “bagets” sa mga artikulo sa tabloid kaya hindi maiwasan na magkaroon
ito ng medyo negatibong kahulugan. Halibawa na lang ng mga ito: “Bagets na
holdaper, arestado!”, “Blind Item: Bagets na actor nagbebenta ng laman.” at “Bagets sinumpak ang dibdib, wakwak.” Kung
ganyan ba naman ang mababasa o makikita mo sa dyaryo eh gustustuhin mo pa bang
matawag na bagets? Pero nasa ating kabataan nakasalalay ang magiging kahulugan
ng “bagets” sayon sa ikinikilos at gawi ng pamumuhay natin.
Ang mga ninuno natin ay itinala ang
ating kasaysayan sa pamamagitan ng panitikan: tula, awit. epiko, kwentong bayan
at mga alamat. Kaya kung gugustuhin nating mas makilala pa ang ating Pilipino,
simulan natin sa wika. Dahil kung walang wika, wala rin tayo. Nakakatuwa lang
isipin na kagayan ng kultura ng isang tao, nagbabago rin ang kahulugan ng mga
salita. Nagpapahiwatig lamang ito na buhay ang ating wika. Dapat lamang na
bilang mga Pilipino, buksan natin ang isipan natin sa mga bagay na pwedeng
magpaunlad pa ng wika natin.

No comments:
Post a Comment